top of page

Singkong Duling

  • Writer: Nica Hernaez
    Nica Hernaez
  • Jun 24, 2022
  • 4 min read

(Photo From William Quiambao)


Sa unang pagkakataon sa loob ng anim na dekada, nagkaramdam si Nick ng ‘di

maipaliwanag na kaba. Hinawakan niya ang kanang kamay upang matigil ito sa panginginig. “Stage 2”, wika ng doktor. Halos mawala ang lahat ng dugo sa mukha ni Jenilyn, panganay na anak ng 64-anyos na lalaki.


Ilang araw na rin pabalik-balik sa ospital at mga laboratoryo ang mag-ama buhat nang mag simulang dumaing ang matandang lalaki. Kadalasan ay iniinda niya ang sakit sa tagiliran sa tuwing magbubuhat ito ng tubig mula sa balon ngunit hindi na niya kinaya noong isang araw. Napasalampak na lang siya sa sahig habang namimilipit, natapon ang laman ng iniigib niyang timba buti nalang at inalalayan siya ng kapit-bahay nila hanggang sa kanilang bahay.


“Madadala pa ‘to sa gamot ‘nak , wala naman tayong pera pang pa-check-up” mariing tanggi ni Nick nang magpasya ang kanyang panganay na dalhin siya sa ospital. Nakaramdam ng pagsisi si Jenilyn, wala siya trabaho, naka-asa lang siya sa security guard niyang asawa na tinutustusan ang pangailangan niya at nang tatlo nilang anak.


“Mangungutang ako bukas ‘pa, baka kung ano na yan e”. Bukod sa pangamba ng matanda na kung anong sakit ang kanyang iniinda, natatakot din siyang mag tungo sa ospital dahil laganap pa rin ang pandemya na kumikitil sa buhay ng mga may edad na tulad niya. Hindi

pa siya natuturukan ng ikalawang dosage ng bakuna—napangunahan na kase siya ng takot matapos mapanood sa telebisyon ang sinapit nang isang may katandaang babae, matapos itong

maturukan.


“Ayon sa result ng laboratory mo, meron kang stage 2, Benign prostatic hyperplasia”. Sa

kalahating oras na pagpapaliwanag ng doktor, isa lang tumatakbo sa isip ni Nick— paano na ang pamilya niya. Mangingiyak na inakay ni Jen ang kanyang ama palabas ng opisina ng doktor. Walang nagsalita sa biyahe pauwi, puro tahimik na hikbi ang maririnig ng mga kasabay nila sa jeep. Kahit hindi itanong, alam na ng mga pasahero ang kwento ng mga taong galing sa ospital.


Bumaba sa Southville terminal ang mag-ama. Ito ang unang pagkakataon na uuwi silang hindi masayang balita o kuwentong napulot sa maghapon ang dala. Anim na taon na mula nang mabigyan ng pabahay ang pamilya nila sa lugar na iyon, buwan-buwan nila itong binabayaran sa munsipyo, sa pag-asang mapasakanila ito balang araw. “Block 82, Lot 3”, agad binalik ng matanda ang mask sa bibig matapos bigyan ng direksyon ang pedikab driver. Kung isa itong normal na araw, malamang ay kakuwentuhan na niya ang drayber tungkol sa kung ano-anong bagay—pero hindi, tanging inggay lang ng gulong at nadadaanan nitong bato ang maririnig sa buong biyahe.

Tahimik ang lahat ng dumating sa bahay ang mag-ama, tanging tunog ng bentilador ang maririnig sa buong bahay. Tinungo ni Jenilyn ang kwarto ng magulang, nakahiga ang kanyang ina, ilang araw nang walang ganang kumain at panay ang daing sa sakit ng ngipin. Hinatid niya ang masamang balita at pinakita ang mahabang listahan ng reseta, napaiyak na lang ang ilaw ng

tahanan. Hindi na niya alam kung saan siya kukuha ng pera, malapit na ang akinse pero hindi sasapat ang sahod ng kanyang anak na lalaki.


Isa lang ang nagtatrabaho sa pamilya, si Francis, gagradweyt na dapat siya ngayong taon pero hindi siya tumuloy sa kolehiyo. Pagkatapos kase mag grade 12, namasukan na siya sa call center dahil magreretiro na ang kanyang ama sa taong iyon. Limang libo ang sinasahod nito kada kinsenas, ang tatlong libo ay mapupunta sa pambayad sa kuryente, tubig, bahay at WiFi habang dalawang libo ay mapupunta sa pagkain at pangbili ng paninda sa mumunti nilang sari-sari store. Work from home ang set-up ng trabaho ng 22-anyos na binata at nag-aaral sa online class set- up ang bunso ng pamilya kaya hindi maaring tanggalin ang WiFi sa gastos.


Buti nalang nakapasa sa pampublikong unibersidad ang bunso sa tahanan, malaking kabawasan na rin ito sa gastos dahil libre ang matrikula sa paaralan ng dalaga. Dagdag isipin nga lang ang nalalapit na face to face classes sa Oktubre dahil tiyak na magigipit sila sa pang pamasahe ng estudyante mula Baras papuntang Maynila. Parang wala na nga atang katapusan ang problema para sa mga taong hindi binayayaan ng marangyang buhay.


Walang nakatulog nang gabi ring iyon, lahat sa bahay ng pamilya Hernandez ay pikit ngunit gising ang diwa. Lahat nananalangin, humihiling na sana maging maayos ang bawat bukas. Inumaga na kakatawag sa lahat ng santo ang ama ng tahanan, sa animnapu’t apat na taon niyang pamumuhay, ngayon lang siya naging desperado sa pag darasal.


Kinabukasan, hinila niya sa ilalim ng papag ang alkansyang dating lalagyanan ng sorbetes. Umaasang magkaka-milagro at mapupuno ito nang salipi, tumambad sa kanya ang huling isang daan mula sa buwanang pensyon. Ang hirap magkasakit kapag mahirap ka, para bang isa na ring prebilehiyo ang pagpapagamot, pabulong na wika ng matanda.


“99.95 peos po ‘tay ang isa”. Pikit-matang inabot ni Nick ang natatanging pera sa kanyang bulsa. Sapat na siguro ang isang tableta para mawala ang sakit kahit isang araw lang, bulong niya sa sarili. Paalis na sana sa tindahan ang matanda ngunit hinabol siya ng tindera, inabot sa kanya ang sukling singkong duling.


Tinitigan niya ang barya sa palad, unti-unting namuo ang luha sa kanyang mata. Hindi patas ang mundo sa katulad niyang mahirap, walang pag-asa para sa pamilya niyang kapus- palad. Dahil kung wala kang pera, walang medisina at doktor na makapag papahaba ng iyong buhay. Mahirap magkasakit kapag hindi ka mayaman lalo na sa gitna ng pandemya, walang

puwang ang ospital para sa mga taong ni-piso ay kapos—ang tanging pagpipiliian mo lamang ay tiisin ang sakit o kamatayan.


Sumulyap sa langit ang matandang lalaki, unting-unting pumatak ang tubig ulan. Pinagmasdan niya ang mga taong kanya-kanya ang silong upang hindi mabasa. Komportable ang mga na sa sasakyan, nagmamadali ang mga mamimili habang nagkukumahog naman ang mga tibdero at tindera. Napabuntong hininga na lamang siya habang mariin niyang kinuyom ang

palad na may barya. Napagtanto niyang hindi nga talaga patas ang mundo para sa mga katulad nilang singkong duling lang mayroon sa bulsa.

Comments


Post: Blog2 Post

09281990030

  • LinkedIn
  • Facebook
  • Instagram
  • Twitter

©2019 by Job Mismatch Removers. Proudly created with Wix.com

bottom of page