top of page

Pasanin

  • Writer: Nica Hernaez
    Nica Hernaez
  • Jun 24, 2022
  • 3 min read


Buhat ang isang bilao ng produktong hindi sigurado kung maibebenta, lakas loob na pumwesto sa tarangkahan ng pamilihan si Jose. Nakatingin siya sa mga kakarampot na

dumaraan, umaasang may hihinto sa pwesto

niyang ni langaw ay hindi dumadalaw. Sa loob kase ng isang buwan, ito na ang pang-apat na pwesto na kanyang nilipatan. Parati kase siyang pinapalayas o ‘di kaya’y madalang ang mga mamimili sa dati niyang puwesto.


Ilang araw na rin siyang tuliro, maliban sa hindi sapat ang kanyang kinikita, kumikirot na naman ang kanyang likod. Mahigit limampung taon na niyang iniinda ang malaking bukol sa kanang bahagi ng kanyang likuran—ito ang unang bagahe ng kanyang buhay. Mula pagkabata, naging tampulan na ng tukso si Jose dahil sa kanyang kapansanan, kampanerong kuba ang kanyang palayaw sa mga taong puro panunukso ang lumalabas sa bibig.


Gayunpaman, hindi naging hadlang ang dinadala niyang bagahe upang mag banat siya ng buto. Una niyang pinasok ang pagtatahi ng sapatos, sunod ang pag aayos ng mga payong at huli ang pagbebenta ng kalamansi, sili, sibuyas at bawang. Medyo naging maganda ang kita niya sa pagbebenta ng mga gamit pangluto, ngunit unti-unting pumanglaw ang kitaan ng dumating ang pandemya.


Pandemya na siguro ang pinaka mabigat na pasanin na dumaong sa kanyang balikat. Maliban kase sa tumumal ang bentahan, napahinto pa siya ng ilang buwan dahil nag higpit ang lokal na pamahalaan ng Antipolo.

Noong unang buwan, nabahagiaan siya ng ayuda ng kanilang baranggay—limang kilo ng bigas, noodles, delata, at alcohol. Sa sumunod na mga linggo, walang tulong na dumapo, ganun rin sa mga sumunod na buwan—kanya-kanya na naman.


Bumalik siya sa mga daan, ngunit sa

pagkakataong ito, hindi na niya mamukhaan ang kalsadang minsan niyang naging tahanan. Kakaunti nalang ang dumadaang sasakyan kaya mas maaliwalas na ang paligid, pero nakabibingi ang katahimikan

hatid nito—unti-unting nagalalaho sa

pandinig ni Jose ang mga busina, ang boses ng kondoktur ng dyip, ang mga nag iikot na tanod. Wala na ang mga taong nagmamadali na may kanya-kanyang patutunguhan at marami ring establisyamento ang nag sara. Kasabay ng pagbaba ng mga tolda, ay ang pagkawala ng pag-asa para sa mga taong katulad na Jose.


Isa, dalawa, lima? Masuwerte na siguro si Jose kung may limang taong hihinto sa pwesto niya ngayon. Hindi siya mapakali, maliban sa nakaiirita ang face-shield at mask na tumatabon sa kanyang mukha, natatakot rin siyang mahawaan ng sakit na kumitil sa buhay ng mga taong tulad niya, pero wala

siyang pagpipiliian kun’di ang magtiis at magbanat ng buto (kahit hindi niya naman talaga niya mabanat ang kanyang buto buhat ng kanyang kalagayan).


Minsan kapag walang bumibili, nakatuliro lang si Jose, iniisip kung sasapat ba ang kikitain niya ngayong araw o kung kailan kaya uli maghahatid ng tulong ang gobyerno? Nagtataka siya, pareho namang siyang senior citizen at may kapansanan pero ni singkong duling ay hindi man lang siya

naubutan ng pamahalaan. Mahirap nga

talaga siguro kapag wala kang kakilala o kamag-anak sa barangay, tira-tira o minsan wala talagang makararating sa’yo.


Nakapanghihina, imbes na aksyunan ang mga taong lubos na pinadapa ng pandemya, nag-uunahan pa ang mga nakaupo na pagtuunan ng pansin ang mga walang kwentang problema sa bansa—para masabi lang na may ginagawa. Bakit nga ba tayo humantong sa ganito? Sino ba ang dapat sisihin? Kung sa tuwing manghihingi ng tulong ang mamamayan, puro mura at kamay na bakal ang tugon ng mga nag hari-

harian sa bansa?


Ayuda, pasilidad para sa mga pasyente, tulong medikal at kabuhayan, ito ang inaasam ng karamihan, lalo na ng mga katulad ni Jose. Silang mga libo-libong bagahe ang pasan, mga may sikmurang kumakalam, nawalan ng trabaho at nag aagaw buhay. Kailan kaya maririnig ng gobyerno ang naghihikahos na mga tinig ng mamayan nito? Ilang pasanin pa ba ang iindahin ni Jose? Pasanin na nga ba para sa gobyerno ang tumulong sa katulad niya.

Comments


Post: Blog2 Post

09281990030

  • LinkedIn
  • Facebook
  • Instagram
  • Twitter

©2019 by Job Mismatch Removers. Proudly created with Wix.com

bottom of page