Kartilya
- Nica Hernaez
- Jun 23, 2022
- 2 min read
Isa sa mga paborito kong alaala noong kabataan ay ang panooring sementuhin ang putikang kalsada sa kahabaan ng aming kalye. Naalala ko pa ang amoy ng sariwang aspalto, ang mga mukha ng mga pawis na pawis na mga laborer at ang mga naglalakihang trak ng bako at mixer. Nakakaaliw ang paminsan-minsang mano-manong paghahalo nila ng semento-- pantapal kapag may isa sa mga kapit-bahay namin o mga alagang hayop ang aksidenteng nakaapak sa hindi pa tuyong bahagi ng sinementong kalsada.

Masaya ang buong Daisy Street nang matapos ang proyektong iyon, rinig ko ang taimtim na pasasalamat ng aming mga ka-kalye dahil sa wakas, makapag lakad na kaming hindi inaalala kung magiging brown ang mga puti naming sapatos. Labis ang papuri ng musmos kong pagiisip noon sa kung sino mang opisyales ang nagpaggawa ng nasabing proyekto. Ngayong binabalikan ko ang mga alaala, napagtanto ko na tila may nakalimutan kaming banggitin sa aming pasasalamat--ang mga manggagawa, ang mga taong ‘di alintana ang init o ulan matapos lang ang pantawid-pamilyang trabaho kapalit ang kakarampot na kita.
Makalipas ang isang dekada, muli akong nakatagpo ng mga manggagawang nakalimutan kong pasalamatan noon. Si kuya Mario, isa siya sa mga trabahador na napili ng aming baranggay upang ayusin ang nasirang bangketa sa kahabaan ng Daisy Street, isa raw aniya ang proyektong ito sa mga daan-daang proyekto na kinabilangan niya. Kung tutuusin, hindi na bago kay kuya Mario ang ganitong trabaho, mula kase noong binata siya ay palagi siyang sinasama ng kanyang ama sa mga raket nito sa construction upang may pandagdag gastos sa kanilang tahanan. Baggamat hindi nakapagtapos ng hayskul si kuya Mario, hindi niya ito hinayaang mangyari sa sarili niyang anak.

Sa loob ng tatlong dekada niyang pagtatrabaho bilang mason, napagtapos na niya sa senoir high ang kanyang panganay na anak habang kasalukuyang na sa elementarya naman ang kanyang panggalawa. Katuwang niya sa tahanan ang kanyang asawa na siyang nag-aalaga sa bunso nilang anak at gumagawa ng gawaing bahay.
Kahit mahirap daw aniya nag kaniyang trabaho, lalo na kapag nadedestino sa malalayong lugar, lubos pa rin siyang nagpapasalamat dahil kahit papaano ay may tumanggap sa tulad niyang hindi nakapag tapos. Isa sa mga dagok na lubos na nagpada sa mga construction worker na tulad ni kuya Mario ay ang pandemya, buhat kase ng lumobo ang kaso ng COVID sa bansa, natigil ang mga proyekto na naghihintay sana para sa kanila. Buti na lang aniya at nakapag sideline sa pagkakargador sa palengke ang ilaw ng tahanan na si Mario upang may ipangtustos sa kanilang bahay.

Sa dulo nang aking pakikipagpanayam kay kuya Mario, binaggit ko ang salitang salamat, hindi lang dahil pinaunlakan niya ang aking panayam kun’di dahill ibinahagi niya ang kuwento ng taong nakakalimutang pasalamatan ng ilan. Isa si kuya Mario sa mga dalubhasa kong maituturing, dahil bukod sa kasanayan niyang patibayin ang pundasyon ng ating mga nilalakaran, isa rin siyang dalubhasang ama sa loob ng kanilang tahanan. Ilang beses man nasira ang gulong ng kartilya ni kuya Mario sa ilang taon niyang pakikibaka , patuloy niyang pinagulong ang pag-asa na maiahon ang sarili nang sa ganoon ay hindi na danasin ng kanyang mga supling ang kanyang pinagdaanan. Kaya naman, saludo ako sa mga maggagawang katulad ni kuya Mario dahil talaga namang kinakatawan niya ang salitang dalubhasa.




Comments