top of page

Pilipinas: Huwag Gawing Pandilig Ang Dugo Ng Mga Peryodista!

  • Writer: Nica Hernaez
    Nica Hernaez
  • Jun 25, 2022
  • 3 min read

Papel bilang panangga at tinta bilang espada, ito lang ang nagsisilbing armas ng mga mamamahayag sa napaka delikadong mundo na kanilang ginagalawan. Araw-araw, inaalmusal nila ang panganib at matutulog na dilat ang isang mata upang masiguro na dadatnan pa sila ng umaga. Sa buong mundo, ganito ang buhay ng mga peryodista, parating nasa hukay ang kanilang dalawang paa. Bawat balitang inililimbag na susugat sa mga may kapangyarihan, kaakibat nito ang mas malalim na hukay na tiyak na lilibing sa kanila ng buhay.


Hindi ito naiiba sa kalagayan ng mga peryodista sa Pilipinas. Lantad sa ating lipunan na hindi biro ang propesyon ng pamamahayag, dahil mula noon hanggang ngayon, patuloy na nadadagdagan ang kaso ng mga pinapatay, naglalaho at nabibilanggo. Ilang galon na ba ng dugomula sa mga mamahayag ang dumilig sa ating lupang tinubuan? Kailan ba ito matitigil?


Kung babalikan ang bakas ng kasaysayan, masasabing napakasalimuot ng buhay- midya

sa Pinas. Sa kabuuan, umabot na sa 104 na mamamahayag ang mga walang habas na pinagpapaslang mula taong 1996 hanggang sa kasalukuyan. Ilan sa mga ito ay hindi pa rin nalulutas at ang ilan naman ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga may sala.



Ang huling kaso ng pagpaslang sa mga alagad ng midya ay noon lamang Enero 2022. Dalawang ‘di pa nakikilalang mga kalalakihan ang walang awang pinagbabaril sa ulo ang radio commentator na si Jaynard Angeles. Ayon sa mga kasamahan nito sa trabaho, tahasan at walang inuurungan sa paglabas ng katotohanan ang peryodista. Bagay na ikinatutuwa ng mga tagapakinig ngunit hindi ng mga tao na kanyang ibinubunyag.


Mahirap gumawa ng sariling konklusyon ngunit alam naman natin na iisa lang ang ibig sabihin nito—patuloy pa rin ang pagpapatahimik sa mga boses na sumasanguni sa katotohan. Ito ang marahas na katotohanan sa likod ng kasalukuyang rehime. Mula 2016 kung kailan umupo si Duterte, lagpas na sa daliri ng kamay at paa ang bilang ng mga nasawing mamamahayag. Ganitong kamay na bakal na ang nais ng nakararami? Puro dahas at kawalanghiyaan na lang ba ang kayang iaalay ng gobyernong ito sa midya?


Hindi pa ba tayo nadala sa karumaldumal na sinapit ng mga peryodista sa mga nakaraang administrasyon? Sino ba ang makakalimot sa bangungot na hatid ng Maguindanao Massacre, kung saan 32 peryodista at mga alagad ng midya ang sama-samang pinagpapaslang? Patuloy pa rin bang mag bubulag-bulagan at magpapanggap ang mga na sa upuan at sasabihing walang pambubusal na nagaganap sa kanilang panunungkulan?


Sa usapan ng pambubusal, tiyak na aktibo kasalukuyang administrasyon. Bakas ito sa kung paano nila ipinasara ang istasyong ABS-CBN na isa sa mga nagunguna sa paghahatid ng balita sa buong bansa. Sa pagpatid nilang ito, libo-libong Pilipino ang nangapa sa impormasyon at libo-libo rin ang nawalan ng trabaho. Bukod sa pagbali sa pakpak ng katotohanan, napakalaking pag yurak nito sa kalayaang magpahayag ng mga peryodistang Pilipino.


Nakadidismaya, na sa gitna ng pandemya, mas nauuna pang pinadapa ng gobyerno ang mga kakampi ng mga mamamayan. Imbes na agapan ang mga pangangailangan ng sambayanang pilipino, tinanggalan pa ito ng karapatang mabahagian ng sapat na impormasyon sa panahon na puro pamemeke at kasinungalingan ang nananaig.


Ang sigaw ng bayan, kailan ito matatapos? Kailan matutuyo ang lupang diniligan na nang galun-galong luha at dugo ng mga peryodista? Kailan mag bibinhi ang pagasang kapayapaan at kaligtasan sa propesyong ito?


Nakakatakot isipin na maaring hindi dito nagtatapos ang mga kasong katulad ng mga nabanggit, gayong hubad na hubad ang katotohanan na walang laban ang tinta at papel sa baril, pera at kapangyarihan. Ito ang kasalukuyang lagay ng pamamahayag sa pilipinas, at wala na nga atang lunas sa patuloy na pambubusal ng bibig at pagdanak ng dugo ng mga mamahayag sa bansa. Kahit ilang libong batas pa ang malikha, alam naman nating walang sinasanto ang mga demonyong nais ibaon ang katotohanan.

Comments


Post: Blog2 Post

09281990030

  • LinkedIn
  • Facebook
  • Instagram
  • Twitter

©2019 by Job Mismatch Removers. Proudly created with Wix.com

bottom of page