Sa bawat idlip ng mga alaala
- Nica Hernaez
- Apr 1, 2022
- 2 min read
Pinilit mo na rin bang alalahanin ang isang panaginip? Kahit masama ito o masaya? Pero kahit ilang beses mong pigain ang utak mo, walang imaheng mabakas-bakas ang iyong balintataw?
Ganito ang konsepto ko nang pag kuha ng larawan, gusto kong ikulong sa apat na sulok ng imahe ang isang tagpo—mahinto, maalala at sariwain na para bang naroon ako muli. Sa tuwing tatapak ako sa panibagong lugar, sa mga pagkakataon na susubok ako nang bagong pagkain o sa mga panahong naaantig ako sa kwento ng isang estranghero, parati kong kasangga ang pag pitik.
Sa tuwing binabalikan ko ang aking mga arkibo, dinadala ako nito sa panahon kung kailan ko kinuhaan ang isang larawan. Tulad ng imahe sa ibaba, ramdam ko pa rin ang kaba sa aking dibdib ng mga oras na iyon dahil ito ang unang beses na pumunta ako sa Taguig. Magkahalong kaba at saya ang aking nadarama, ito rin kase ang unang pagkakataon na bumiyahe ako ng pagkalayo-layo mula nang magsimula ang pandemya. Nakakapanibago ang bilang ng mga tao sa estasyon ng tren maski ang tunog ng mga busina, tila ba bumalik na sa dati ang sigla ng kalsada.
Isa sa mga pamantayan na parati kong sinusunod sa pagkuha ng larawan ay ang pagkakapantay o simetriko. Una kong hahanapin ang sentro at paminsan-minsan ay gagamitin ang grid sa kamera upang pumantay ang larawan. Gayundin, parati kong isinasaalang-ala ang pag gamit ng “rule of thirds” na may kinalaman din sa grid at pag papanatili ng balanse sa larawan.
Para sa akin, ang pagkuha ng larawan ay para bang pag-alala sa mga panaginip. Minsan, umaasa tayong makuhaan ng larawan ang isang bangungot upang mag silbing paalala na nalagpasan na’tin ito o ‘di kaya’y umasang sa pag gising ay maaari natin itong mabura tulad ng isang larawan. Pero tulad rin sa panaginip, may mga tagpong gusto nating ihinto, alalahanin at sariwain—dito papasok ang halaga ng mga larawan, ito ang nagsisilbing patunay na tumapak tayo sa isang magandang alaala, na nalagpasan natin ang isang bangungot, nakakilala ng mga bagong tao at bubuo ng mga libo-libong tagpo na gugustuhin nating ikulong muli sa loob ng isang imahe.




Comments